Nagsagawa ngayon ng proactive measures o maagap na hakbang ang Department of Public Works and Highways Region-9 (DPWH-9) para matiyak ang ligtas na biyahe ng manlalakbay sa panahon ng Undas.
Ayon kay Engr. Cayamombao Dia, Regional Director ng DPWH-9, mayroon silang inilatag na Lakbay-Alalay Motorists Assistance Teams sa estratehikong mga lugar sa loob ng rehiyon.
Ang hakbang ay ipinatupad aniya sa ilalim ng Lakbay-Alalay Undas 2024 program ng DPWH.
Ang Alalay Team ay binubuo ng mga personahe mula sa regional at district engineering offices ng DPWH.
Sila ay nakaantabay sa loob ng tatlong araw, simula kaninang alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa Nobyembre 2.
Ang team ay nakaposisyon sa itinalagang mga Lakbay-Alalay Motorists Assistance Stations sa iba’t ibang mga lugar sa rehiyon, upang magbigay ng tulong sa mga motoristang masiraan, may karamdaman, at nais magpahinga. | ulat ni Lesty Cubol, Radyo Pilipinas Zamboanga
📸 DPWH Regional Office-9