Pasasalamat ang naririnig ngayon sa mga pamilyang apektado ng bagyong Kristine sa Lungsod ng Tuguegarao sa agarang tulong partikular na ng food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Regional Director Lucia Alan, agad tumugon ang kanilang opisina sa hiling na tulong ng pamahalaang panlungsod matapos makita ng mga ito ang sitwasyon sa Tuguegarao na maraming bahay ang lubog sa tubig baha.
Umaabot din sa 10,000 family food packs (FFPs) ang nakatakdang ipamahagi sa lungsod para matugunan ang pangangailangang pagkain ng mga naapektuhan ng bagyo.
Lubos din ang pasasalamat ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que sa mabilis na tugon ng DSWD, maging kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanilang kahilingan lalo at karamihan sa mga apektadong pamilya ay ilang araw na rin di nakapagtrabaho simula nang manalasa ang bagyo at ngayon ay ang pagbaha.
Nagpasalamat din ito sa lahat ng ahensya ng gobyerno na tumulong mula sa pre-emptive evacuation, rescue, repacking ng relief goods, maging ng mga nagbigay ng donasyon sa lungsod, binigyang partikular ng alkalde ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, at Philippine Marines.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 33 barangays sa lungsod ang binaha kung saan 945 na pamilya na may 3,517 katao ang kinailangang ilikas. | ulat ni Dina Villacampa, Radyo Pilipinas Tuguegarao