Tuloy-tuloy na ang pakikipag-ugnayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga local government unit (LGU) na daraanan ng bagyong Kristine.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, ginagawa nila ito para sa mabilisang paghahanda ng mga kakailanganing tulong.
Una nang tiniyak ng DSWD Regional Directors sa pulong kahapon, na mahigpit silang makikipag-ugnayan sa LGU counterparts upang lahat ng mga hakbang at aktibidad sa paghahanda ay nasa lugar.
Mahigpit din ang bilin sa kanila na gamitin na ang lahat ng mga naka-preposition na family food packs (FFPs) kung kakailanganin.
Sa kasalukuyan, mayroong 176,436 kahon ng FFPs ang nakalagak sa National Resource Operations Center bukod pa sa Regions 1, 2 at CAR.
Bilang bahagi ng paghahanda para sa Disaster Response Measures, namahagi na ang DSWD ng 1,020 FFPs sa mga lokal na munisipalidad ng Itbayat sa Batanes kahapon. | ulat ni Rey Ferrer