Agaran nang magpapadala ng malinis na suplay ng tubig ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Camarines Sur pagkatapos manalasa ng Bagyong Kristine.
Ito ang tiniyak ni DSWD Secretary Rex Gatchalian para may magamit ang nagsilikas na mga pamilya sa mga evacuation center.
Sa kanyang pakikipagpulong kay Camarines Sur Governor Luigi Villafuerte, naging paksa ang kakulangan ng maiinom na tubig sa lalawigan.
Bagama’t may ipinadala nang Water Purification Systems ang DSWD, naipit naman ang mga truck na may dala nito sa bayan ng Milaor dahil hindi na madaanan ang kalsada at lubog pa sa baha.
Nakipag-usap na ang kalihim sa Manila Water at Maynilad para sa probisyon ng potable water.
Kapwa nangako ang dalawang water company na magbigay ng malinis na tubig para sa lalawigan.
Sinabi ni Gatchalian na ihahatid ang mga inuming tubig sa pamamagitan ng air assets ng Philippine Airforce.| ulat ni Rey Ferrer