Sinimulan nang ilarga ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang pagpapatupad ng Republic Act (RA) No. 11032, o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, sa mga Barangay Local Government Units (BLGUs) sa Metro Manila.
Bahagi ito ng pinalawak na kampanya para mas gabayan ang mga barangay sa pagsunod sa naturang batas.
Kasama sa rollout ang orientation ng key provisions ng RA 11032 at iba pang ARTA guidelines, na idinisenyo para mapalawak ang kaalaman ng barangay officials.
Ayon kay ARTA Secretary Ernesto V. Perez, mula nang maisabatas ang RA 11032, ang mga barangay ang may pinakamababang compliance rate sa pagsusumite ng kanilang Citizens’ Charters.
Sa tala ng ARTA, anim na barangay pa lamang mula sa 1,710 BLGUs sa NCR ang nakapagsumite.
Umaasa ang ahensya na sa tulong ng rollout na ito ay mas maiangat din ang Citizen’s Charter compliance rates ng bawat barangay.
Target ng ARTA na maaabot ang nasa 150 barangay sa kanilang kampanya bago matapos ang taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa