Tinatayang aabot sa 35,973 na mga paaralan sa 15 rehiyon sa buong bansa ang apektado ng bagyong Kristine. Batay ito sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Education (DepEd).
Sa nasabing bilang, 214 dito ang mga paaralang ginagamit bilang evacuation centers habang nasa 132 naman na mga paaralan ang binaha o di kaya’y natabunan ng gumuhong lupa.
Aabot din sa 84 na mga paaralan, ayon sa DepEd, ang matinding napinsala habang nasa 108 naman ang bahagyang napinsala ng bagyo.
Nagresulta ito sa ₱264 milyong pisong naitalang pinsala ng bagyo sa mga paaralan.
Samantala, aabot naman sa 18 milyong mga mag-aaral at halos 755,000 mga guro gayundin ng mga non-teaching personnel ang naapektuhan din ng kalamidad. | ulat ni Jaymark Dagala