Mariing kinondena ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) ang ilegal na pagdaan ng convoy ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader Pastor Apollo Quiboloy sa EDSA busway.
Ayon sa ulat ng DOTr-SAICT, kasama sa convoy ang ilang sasakyan ng media na umalis mula sa Camp Crame Custodial Facility at sinabing walang coordination ang PNP sa SAICT, at ito ay lumabag sa mga emergency barrier openings ng busway sa Annapolis kaninang umaga patungong Senado.
Dahil dito, inaasahang sasampahan ng kaso ang mga driver ng convoy dahil sa paglabag sa iligal na paggamit ng EDSA busway at reckless driving.
Maglalabas din ng Show Cause Order ang Land Transportation Office (LTO) kaugnay nito.
Hinihikayat ng DOTr-SAICT ang publiko na i-report ang mga ganitong paglabag sa kanilang commuter hotline o sa mga opisyal na media channels ng ahensya.
Matatandaang pinayagan ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 159 ang hirit ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na paharapin si Quiboloy gayundin ang mga kapwa akusado nito sa pagdinig ng Senado ngayong araw. | ulat ni Diane Lear