Katuwang ang Department of Health ay sinimulan na ring iikot sa mga paaralan sa Quezon City ang ‘Bakuna Eskwela’ o School Based-Immunization Program.
Kabilang dito ang school-based immunization laban sa Human Papillomavirus (HPV) na ikinasa sa Toro Hills Elementary School.
Pinangunahan ito ng Quezon City Health Department kung saan nakiisa sina QC District 1 Coun. Charm Ferrer, Punong Barangay Jun Ferrer at SK Chairperson Danica Ignacio.
Ayon kay Coun. Ferrer, maituturing itong malaking hakbang para sa kalusugan ng mga kababaihan ng Quezon City dahil pinoprotektahan ng bakunang ito ang mga batang babae mula sa mga sakit na dulot ng HPV, tulad ng cervical cancer na maaaring maging sanhi ng malubhang komplikasyon.
Kasunod nito, ang panawagan sa mga magulang na huwag matakot na pabakunahan ang mga anak.
“Bilang isang lingkod-bayan ng Quezon City, ipagpapatuloy natin ang pagbibigay ng libreng bakuna sa ating mga kabataan upang matiyak ang kanilang kaligtasan at mabuting kalusugan. Huwag nating hayaan na maging hadlang ang mga alalahanin sa pagpabakuna.“ | ulat ni Merry Ann Bastasa