Ipinagmalaki ng Philippine National Police (PNP) na sumampa na halos ₱40 bilyon ang kabuoang halaga ng mga nasamsam nilang iligal na droga sa unang dalawang taon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito’y ayon sa PNP batay sa pinagsama-samang datos mula sa iba’t ibang operating units ng Pulisya mula July 1 ng 2022 hanggang October 7 ng taong kasalukuyan.
Ayon kay PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil, patunay lamang ito ng kanilang commitment na labanan ang iligal na droga, pangalagaan ang mga komunidad at itaguyod ang rule of law
Sa nabanggit ding panahon, iniulat ng PNP chief na nakapagkasa ang kanilang hanay ng 109,694 na anti-drug operations sa buong bansa at nagresulta naman sa pagkakaaresto ng 137,190 indibiduwal.
Nangunguna ang shabu sa pinakamaraming nasabat sa mga ikinasang operasyon na sinundan ng marijuana, cocain, gayundin ng ecstacy at ketamine na aabot sa mahigit ₱39.8 bilyon.
Pinakamaraming naikasang operasyon ang PNP Drug Enforcement Group (PDEG) na sinundan naman ng Police Regional Office 4A o CALABARZON gayundin ang Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR). | ulat ni Jaymark Dagala