Nakatakdang ilatag ng Philippine National Police (PNP) sa bagong kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga umiiral na panuntunan hinggil sa promotion at re-assignment sa kanilang hanay sa susunod na linggo.
Ito’y kasunod na rin ng pahayag ng bagong kalihim ng DILG na si Secretary Jonvic Remulla na plano nitong magpatupad ng reporma sa istruktura upang alisin ang anito’y sistema ng “palakasan” sa hanay ng Pambansang Pulisya.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, handa silang talakayin ang naturang usapin sa bagong DILG secretary.
Ani Fajardo, kumpiyansa silang mailalatag nila ang usapin sa bagong kalihim lalo’t may mga umiiral nang proseso na sinusunod ang PNP hinggil sa paggalaw sa mga opisyal nito.
Tiniyak din ni Fajardo ang kanilang commitment na magkaroon ng patas at maayos na sistema sa promosyon ng mga opisyal ng PNP. | ulat ni Jaymark Dagala