Ipinapaubaya na ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa mga election lawyers ang kwestiyon tungkol sa ginawang palipat-lipat ni Mayor Marcelino Teodoro ng voters’ registration sa dalawang distrito ng Marikina.
Una na kasing sinabi ni Pimentel na noong Pebrero ay nagpalipat ng voters’ registration si Teodoro sa district 2 ng Marikina City alinsunod sa usapan nila noon na sa ikalawang distrito ng lungsod tatakbo ang incumbent mayor sa 2025 elections.
Pero tila naiba ang ihip ng hangin dahil nitong Setyembre lang ay bumalik at nagparehistro muli sa district 1 si Teodoro at nitong Sabado nga ay naghain na ng certificate of candicacy (COC) bilang kinatawan ng unang distrito ng Marikina.
Ayon kay Pimentel, may political at legal implications ang palipat-lipat ng distrito.
Sa ilalim ng konstitusyon, kabilang sa mga kwalipikasyon sa pagtakbo bilang congressman ang pagiigng natural-born Filipino citizen; higit 25 years old; marunong magbasa at magsulat; rehistradong botante ng tatakbuhan nitong distrito; at dapat residente ng tatakbuhan nitong lugar ng hindi bababa sa isang taon bago ang araw ng eleksyon. | ulat ni Nimfa Asuncion