Sinimulan na ng Land Transportation Office ang inspeksyon sa mga bus terminal sa Metro Manila bilang paghahanda sa Undas sa November 1.
Ayon sa LTO, kanila nang inaasahan ang dagsa ng mga pasahero na uuwi ng probinsya sa mga susunod na araw bago ang Undas.
Sa ilalim ng DOTR-LTO Oplan Undas 2024, ilang bus terminal sa Pasay City ang unang tinungo nina LTO Executive Director Greg Pua Jr. at NCR Regional Director Roque Versosa III.
Bukod sa mga pasilidad ng mga terminal na kanilang tiningnan, tiniyak din ng LTO Officials ang road worthiness ng mga units bago bumiyahe.
Kasama sa inspeksyon ang mga kinatawan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Philippine Drug Enforcement Agency.
Sumailalim din sa random drug testing ng PDEA ang mga driver at konduktor ng mga bus.
Pagtiyak pa ng LTO ang pagpapaigting ng inspeksyon sa ibat-ibang bus terminal sa Metro Manila at lalawigan habang papalapit ang Undas. | ulat ni Rey Ferrer