Mahigit 1,000 pulis na may kamag-anak na tatakbo sa 2025 midterm elections, inilipat ng assignment

Facebook
Twitter
LinkedIn

Umabot sa 1,308 na tauhan ng Philippine National Police (PNP) na may mga kamag-anak na tatakbo sa midterm elections sa May 2025 ang inilipat ng assignment.

Ayon kay PNP Spokesperson Brigadier General Jean Fajardo, sa kabuuang 1,586 pulis na nagdeklara na may mga kamag-anak na hanggang 4th degree na antas ng relasyon; 1,308 na ang na-relieve at nailipat sa ibang unit.

Ang natitirang mahigit sa 200 pulis ay inaaasahang malilipat ngayong araw hanggang bukas.

Nangunguna ang Police Regional Office (PRO) Cordillera na may 180 inilipat na pulis, sinundan ng PRO 9 (Zamboanga Peninsula) na may 144, PRO Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) na may 122, at PRO 6 (Western Visayas) na may 118 pulis.

Ipinaliwanag ni Fajardo, na hakbang ito ng PNP para maiwasan ang pagkakasangkot ng mga pulis sa partisan politics. Kasama sa mga ililipat ang mga police escort na naka-assign sa mga pulitiko at pribadong indibidwal na tatakbo sa eleksyon.

Tiniyak naman ni Fajardo na mananatiling non-partisan at patas ang PNP sa darating na eleksyon.

Nagbigay na rin ng babala si PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, na hindi papayagan ang paggamit ng kapulisan para maimpluwensiyahan ang halalan. Binigyang-diin niya na ang mga pulis na masasangkot sa partisan activity ay mananagot. | ulat ni Diane Lear

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us