Umabot na sa mahigit 13,000 na galon ng malinis na inuming tubig ang naipamahagi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga residente ng Camarines Sur na naapektuhan ng Bagyong Kristine.
Namahagi ang MMDA humanitarian team ng tulong sa halos 3,000 pamilya sa iba’t ibang barangay sa lalawigan.
Kabilang sa mga nakatanggap ng tulong ang mga residente ng Barangay de Loyola at San Francisco sa Camaligan, Barangay Del Rosario sa Canaman, at Barangay Poblacion sa Gainza.
Ang pamamahagi ng malinis na tubig ay bahagi ng patuloy na pagtulong ng MMDA sa mga biktima ng bagyo.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay nagpadala ang MMDA ng 50 tauhan upang tumulong sa clearing at rescue operations, at pamamahagi ng relief goods.
Bukod sa Camarines Sur, nagpadala rin ng tulong ang MMDA sa ilang bayan sa Batangas na sinalanta rin ng bagyong Kristine. | ulat ni Diane Lear
📷MMDA