Agad na inasikaso ni Speaker Martin Romualdez ang mabilis na paglalabas ng P390 million na cash aid para sa 22 distrito na apektado ng bagyo sa Bicol Region, Eastern Visayas, at MIMAROPA at apat na party-list.
May inihahanda na rin ang Office of the Speaker at Tingog Party-list na 62,500 relief packs na nagkakahalaga ng P21 milyon na ipapamahagi sa mga naapektuhang pamilya.
Kada kinatawan, makakatanggap ng tig-2,500 na relief packs.
“Malinaw po ang direktiba ni Pangulong Marcos: walang pamilyang Pilipino ang maiiwan sa pagtulong ng pamahalaan sa mga nasalanta ng bagyong Kristine. Ito ang pangako natin sa sambayanang Pilipino, lalo na doon sa mga matindi ang naranasan sa kalamidad na ito.We are making sure the government’s assistance reaches our affected countrymen as quickly as possible,” saad ni Romualdez
Sabi pa ni House Deputy Secretary General Sofonias Gabonada, may hiwalay na relief mission na ikinasa ang Ako Bicol Party-list sa pangunguna ni Rep. Elizaldy Co, Chairperson ng House Committee on Appropriations.
Makakatanggap ang kada distrito at party-list representative ng P15 million na cash assistance mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations ng Department of Social Welfare and Development.
Ang Tingog Party-list naman ang tutulong sa pagpapamahagi ng mga tulong bilang on-the-ground support sa mga apektadong lugar.
Diin ni Speaker Romualdez, na batid ng pamahalaan ang hamong kinakaharap ngayon ng mga kababayan natin at tinitiyak ng gobyerno na lahat ng pondong ilalabas ay direktang pakikinabangan para sa pagbangon ng mga pinadapang komonidad.
Hinikayat din niya ang pribadong sektor at non-government organizations na umagapay sa mga hakbangin ng pamahalaan.
“This is the time for solidarity and cooperation. We welcome any additional support that can help our people get back on their feet,” dagdag niya | ulat ni Kathleen Forbes