Nakatakdang isumite ng Philippine National Police (PNP) sa Commission on Elections (COMELEC) ang listahan ng mga tinaguriang Potential Election Areas of Concern.
Ito’y kasunod ng nagpapatuloy na validation at reassessment ng Pulisya kasabay ng pagtatapos ng filing ng Ceritificate of Candidacy (CoC) bukas, Oktubre 8.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, sa ngayon ay hindi pa nila maisapubliko kung anong mga partikular na lugar ang may mainit na tunggaliang pulitikal dahil maingat nila itong isinasailalim sa validation.
Nabatid na sa nakalipas na 2022 National at Local Elections, nakapagtala ang PNP ng 108 lugar sa bansa na isinailalim sa Red Category.
Bagaman, may ilang lugar na naitalang mainit ang tunggalian, sinabi ni Fajardo na mayorya pa rin ang mapayapang lugar o walang security concern.
Gayunman, sinabi ni Fajardo na kanilang ipauubaya sa COMELEC ang pagpapasya kung ang isang lugar na kasama sa kanilang matutukoy na lugar ay isasailalim sa Red o may intense political rivalry, Orange o moderate at Green o no security concern.| ulat ni Jaymark Dagala