Tutol ang dalawa sa tagapangulo ng Quad Comm na gamitin ang mga naging pahayag at testimoniya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Senado sa imbestigasyon ng International Criminal Court.
Ayon kay Rep. Dan Fernandez, umpisa pa lang ay hindi na siya pabor na gamitin ng ICC, kahit ang mga dokumento at testimoniya na lumabas sa Quad Comm.
Punto ni Fernandez, mayroon naman umiiral na batas kung saan maaaring kasuhan si Duterte, ito ang RA 9851 na nagbibigay linaw sa uri ng crimes against humanity.
Maaari lang aniya pumasok ang ICC kung mabigo umaksyon ang DOJ sa naturang usapin.
“Ako, hindi ako pabor diyan sa ICC na iyan ever since, nagsalita na ako dati pa.. nabasa ko na meron pala tayong batas na ganoon. Iyung jurisdiction over this matter will be under the Philippine courts and establishing special courts can be done by the DOJ according sa RA 9851 and all the international laws must be considered as well. Now kung magpe-fail po ang DOJ on doing their job on this matter, then the more the ICC will take cognizance. So I think it’s really up to the DOJ to do their work.” sabi ni Fernandez.
Ganito rin ang pananaw ni Rep. Bienvenido Abante.
Aniya mas mainam na kung kasuhan man si Duterte ay gawin ito domestically.
“Sa akin parang mas maganda na domestically na lang siya ma-prosecute. Para pag halimbawa ang DOJ nagsabi na merong prima facie evidence na dapat siya ay maproscute at chinarge ng court dito, hindi na siya papatawan ng ICC. Spagkat meron na ditong tinatawag na proper judgment na ginagawa ng ating bansa, di ba. Iyon ang sa amin,“ ani Abante
Sabi pa ni Abante, kaya naman magsagawa ng sariling imbestigasyon ang ICC dahil napapanood naman nila ang public hearings.
Ngunit nanindigan siya na anumang dokumento at testimoniya mula sa Quad Comm o kahit pa sa Senado ay hindi dapat ibigay sa ICC.
“I have always been true to my statement since we started the EJK hearing that I’m not going to allow the ICC to get our documents for that. Anyway, they could be able to do their own investigation. Hindi na kailangan yung tulong ng Quad Comm or tulong ng aking committee on that. In fact, naniniwala kami na the ICC is watching all the proceedings…let them do a separate investigation, not use us for their own investigation.” diin ni Abante.| ulat ni Kathleen Forbes