Pinuna ni Cagayan de Oro City 2nd District Representative Rufus Rodriguez ang ginawang pagtulong ng Russia sa China na harangin ang draft statement ng ASEAN member states na naghahayag ng pagkabahala sa territorial disputes sa South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea.
Ani Rodriguez, walang karapatan ang Russia na mangialam sa mga isyu sa ating rehiyon.
Ang hakbang din aniyang ito ng Russia ay tila nagpapakita ng pagsuporta sa ginagawang panghihimasok ng China sa ating katubigan, mga agresibong aksyon at pagha-harass sa mga Pilipinong mangingisda.
“Russia should not have blocked the ASEAN statement. Moscow has no business meddling in disputes in this part of our region,” sabi ni Rodriguez.
Ang naturang statement ay ipepresenta dapat sa East Asia Summit na dinaluhan ng 18 regional leaders kabilang ang mula sa ASEAN.
Kasabay nito, pinuri din ng mambabatas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa patuloy na pagtindig sa territorial at sovereign rights ng bansa sa West Philippine Sea.
Matatandaan na gustong limitahan ni Chinese Premier Li Qiang ang diskusyon sa ekonomiya ngunit iginiit ng Pangulong Marcos na ang usaping ekonomiya ay hindi maihihiwalay sa politika.
Sinabi pa ng Pangulo na hindi maaaring magbulagbulagan ang China na lahat ay maayos sa aspeto ng ekonomiya gayong patuloy naman ang tensyon sa panig ng politika at seguridad.
Bagay na nakakuha ng suporta mula sa mga dumalo kabilang ang U.S., Australia, at Singapore. | ulat ni Kathleen Jean Forbes