Balik Kongreso ang target ngayon ni dating Cong. Miro Quimbo na naghain ng kandidatura ngayong araw bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Marikina.
Papalitan niya ang asawang si incumbet Congw. Stella Quimbo na tatakbo naman bilang alakalde ng lungsod.
Giit ni Quimbo, mahirap ang naging desisyon nilang mag-asawa na sabay na tumakbo ngunit kailangan aniya ito dahil sa hinaharang aniya ang mga proyekto na nais nilang ipatupad sa kanilang distrito.
Tila binubura rin aniya ang mga Quimbo sa Marikina.
Kaya rin aniya mahalaga na ang alkalde at ang district representative ay galing sa iisang grupo upang maipatupad ng maayos ang mga programa.
Naniniwala rin naman si Quimbo na matalinong mga botante ang mga Mariqueño
Ilang oras naman matapos ng pahahain ng COC ni Quimbo, ay naghain naman ng COC si Donn Favis, mula sa grupo ni Marikina Mayor Marcy Teodoro na siyang lalaban sa ikalawang distrito rin ng Marikina.
Sinamahan siya ni Mayor Teodoro.
Nang matanong naman si Teodoro tungkol sa pahayag ni Quimbo, tugon ng alkalde na isang demokratikong proseso ang pagboto. | ulat ni Kathleen Forbes