Magsasagawa ng joint investigation ang National Bureau of Investigation (NBI) at PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay ng pagpatay kay Philippine Charity Sweepstakes Office board secretary at retired police general Wesley Barayuga.
Sa isang press conference sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na nagbigay na ng direktiba si Justice Secretary Jesus Remulla na magsanib-puwersa ang NBI at PNP para sa imbestigasyon sa kaso.
Ayon kay Fajardo, makatutulong ang pagsasanib ng impormasyon at ebidensiya mula sa NBI at PNP upang mapalakas ang kaso laban sa mga personalidad na sangkot, tulad nina dating PCSO General Manager Royina Garma, dating police colonel Edilberto Leonardo, at Lt. Col. Santie Mendoza.
Nauna rito ay inamin ni Mendoza na inutusan siya ni Leonardo na makipag-ugnayan kay Nelson Mariano upang kumuha ng mga hired assassin para patayin si Barayuga.
Paliwanag ni Fajardo, hinihintay na lang ng CIDG ang affidavit ng asawa ni Barayuga upang maisampa ang kaso. Ang driver ni Barayuga, na nakaligtas sa pamamaril, ay magiging complainant din sa kasong frustrated murder laban kina Mendoza, Garma, at Leonardo.
Matatandaang binaril si Barayuga ng gunman na sakay ng motorsiklo habang nasa loob ng kaniyang sasakyan sa Calbayog Street, Barangay Highway Hills, Mandaluyong City noong Hulyo 2020. | ulat ni Diane Lear