Mariing kinondena ng Philippine Army ang ginawang pananambang sa Humanitarian Assistance at Disaster Relief efforts ng mga sundalo sa lalawigan ng Albay na ikinasugat ng isa kahapon.
Ayon kay Army Chief Public Affiars, Col. Louie Dema-ala, ang ginawang pananambang ng mga rebelde ay isang karuwagan gayundin ay pagbabalewala sa kaligtasan at kapakanan ng mga kababayang sinalanta ng kalamidad.
Kasunod nito, binigyang-diin pa ni Dema-ala na ang paggamit ng anti-personnel mines ng mga komunistang terrorista ay malinaw na banta sa kapayapaan at seguridad.
Hinimok naman ng Army ang publiko na i-ulat sa kanila kung may mga armadong grupong aali-aligid sa mga komunidad kaya’t makaaasa ang publiko na hindi sila titigil sa paghahatid ng tulong at pagbabantay sa kanilang kaligtasan.
Magugunitang kahapon, tinambangan ng mga rebelde ang tropa ng 49th Infantry Battalion na naghahatid ng tulong para sa mga apektadong residente ng bagyong Kristine sa Brgy. Matanglad sa bayan ng Pio Duran. | ulat ni Jaymark Dagala