Nagbigay ng katiyakan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng suporta mula sa pamahalaan para sa mga residenteng naapektuhan ng Bagyong Kristine sa lalawigan ng Albay.
Ito ay matapos magbigay si Pangulong Marcos ng P50-M tulong pinansyal sa Pamahalaang Panlalawigan ng Albay upang may magamit na sapat na pondo para sa pagbibigay ng asistensya at tulong sa mga naapektuhan ng bagyo.
Personal na iniabot ni Pangulong Marcos ang tseke kay Acting Governor Glenda Ong Bongao sa pagbisita nito sa Naga City, Camarines Sur.
Ayon kay Acting Governor Bongao, nakaranas ng katumbas ng dalawang buwang pag-ulan sa loob ng 24 oras ang buong lalawigan noong kasagsagan ng Bagyong Kristine kung kaya’t maraming lugar ang nalubog sa baha. Aabot sa mahigit 92k pamilya o katumbas ng mahigit 352k indibidwal sa lalawigan ng Albay ang naapektuhan ng bagyo.
Dagdag ni Bongao, nasa 32 barangay ang nagkaroon ng landslide, habang nasa 214 barangay naman ang nakaranas ng matinding pagbaha. May pitong barangay naman ang nagkaroon ng lahar flow.
Nag-iwan rin ng mahigit P1.3-B ng pinsala sa mga kalsada at tulay ang bagyo. Gayundin, P10-M pinsala sa sektor ng agrikultura, P6-M pinsala sa sektor ng pangisdaan at P800k pinsala naman sa livestock.
Samantala, humingi na ng tulong si Bongao kay Pangulong Marcos. Kabilang dito ang karagdagdang relief food packs, family kits, sleeping kits, water containers, gamot at medisina, temporary shelters, at mga heavy equipments augmentation para sa paglilinis at pag-aayos ng mga kalsada.
Sa ngayon, isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Albay.| ulat ni Garry Carl Carillo| RP1 Albay