Aprubado na sa Senate Subcommittee on Finance ang panukalang P178.27 billion na panukalang pondo ng Department of Agriculture (DA) para sa susunod na taon.
Sa maiksing pagdinig ngayong araw, sinabi ni subcommittee Chairperson Senator Cynthia Villar na maglalaan siya ng P7 billion para mapondohan ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Buhat kasi aniya nang ibaba sa 15 percent mula sa 35 percent ang taripa sa imported na bigas ay bumaba ang nakokolektang taripa, na ipinangpopondo sa RCEF.
Sinabi rin ni Villar, na papayagan na rin nila ang hinihiling na P50 million para sa rubber institute.
Samantalang ang ibang request naman na dagdag budget ng ahensya ay matutugunan na ng ipapasa ng Kongreso, na livestock bill at corn bill.
Plano ring tanungin ng senador sa mother committee o sa Senate Committee on Finance na pinamumunuan ni Senator Grace Poe kung pagbibigyan ang hiling na dagdag na budget ng BFAR. | ulat ni Nimfa Asuncion