Pormal na lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ang Philippine National Police (PNP), JRS Business Corporation, at Transportify Philippines upang labanan ang drug trafficking sa bansa.
Layunin ng kasunduang ito na palakasin ang kooperasyon at komunikasyon sa pagitan ng PNP at ng mga kumpanyang ito upang hadlangan ang paggamit ng courier services sa pagpapakalat ng iligal na droga.
Pinangunahan ang paglagda sa MOA nina PNP Deputy Chief for Operations Police Lieutenant General John Michael Dubria at mga kinatawan ng dalawang logistics company.
Nakasaad sa MOA ang mga responsibilidad ng bawat partido, kabilang na ang pagbabantay at pagharang sa transportasyon ng iligal na droga gamit ang courier services, pagpapanatili ng drug-free workplace, at pag-uulat ng ano mang kahina-hinalang aktibidad sa PNP DEG.
Sa mensahe ni PNP Chief Police General Rommel Marbil na binasa ni Police Lt. Gen. Dubria, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng partnership na ito sa pagsugpo ng drug trafficking gamit ang makabagong pamamaraan lalo pa’t tumataas ang bilang ng paggamit ng courier services sa pagpapakalat ng droga. | ulat ni Diane Lear