Umaapila si Philippine National Police (PNP) Chief, General Rommel Francisco Marbil sa kanilang mga dating pinuno na ipaliwanag ang kanilang naging papel sa anti-drug campaign ng pamahalaan.
Ito’y kasunod ng pagbubunyag ni dating Police Lieutenant Colonel gayundin ay dating PCSO General Manager Royina Garma sa Quad Committee Hearing ng Kamara noong isang linggo ang tungkol sa “Davao Model” ng war on drugs.
Ayon kay Marbil, sineseryoso nila ang mga paratang na ito ni Garma at ito na rin ngayon ang tinututukan ng nagpapatuloy nilang imbestigasyon.
Binigyang-diin pa ni Marbil na mahalagang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa mga pulis partikular na sa kampanya kontra iligal na droga kung saan, pangunahing prayoridad dito ang karapatang-pantao.
Magugunitang sa naging pagdinig ng House Quad Committee nitong Biyernes, tahasang idinawit ni Garma si dating Pangulong Rodrigo Duterte at isang “high ranking” Police official noong panahong iyon ang nag-utos na gayahin ang “Davao City model.”
Ito aniya ang kaliwa’t kanang mga patayan sa ilalim ng drug war at talamak na reward system sa hanay ng PNP kung saan, pinaka-nabibiktima ang mga inosenteng sibilyan. | ulat ni Jaymark Dagala