Binuhay na ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Department (QC DRRMD) ang kanilang Incident Management Team (IMT) sa gitna ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Ayon sa QC DRRMD, pangungunahan ng incident management team ang mga paghahanda habang papalapit sa Metro Manila ang epekto ng sama ng panahon.
Bukod sa IMT, binuhay na rin ang iba’t ibang clusters para tumugon sa pangangailangan ng lungsod.
Ito ay ang Law and Order, Camp Coordination at Camp Management, Search and Rescue and Retrieval, Engineering and Rehabilitation, Health at Disaster Waste Management at iba pa.
Batay sa ulat ng Quezon City Weather Information Center, patuloy na makakaranas ng maulap na papawirin at pabugso-bugsong pag-ulan sa Quezon City.
Kasalukuyang nakataas sa Tropical Cyclone Wind Signal #2 ang Metro Manila. | ulat ni Rey Ferrer