Sa kanyang pagbisita sa JMR Coliseum na nagsisilbing evacuation center ng mga lumikas na pamilya mula sa barangay Lerma at Triangulo sa Naga City, tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian ang patuloy na tulong sa mga nabiktima ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Sa kanyang mensahe sa evacuees, sinabi nitong inatasan siya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na magtungo sa Bicol Region upang matiyak na lahat ng pangangailangan ng mga naging biktima ng bagyo ay natutugunan ng pamahalaang nasyonal.
Dagdag pa ng kalihim, huwag aniyang mag-alala ang evacuees dahil habang mayroon pang baha sa kanilang mga bahay at hindi pa aniya ang mga ito makakauwi, patuloy pa rin ang paghahatid ng pagkain sa mga ito mula sa DSWD.
Sinabi rin ni Gatchalian na kinakailangan ng mga biktima ng kalamidad ang financial assistance upang maisaayos ang kani-kanilang mga bahay na ikinagalak namang marinig ng evacuees.
Aniya, ito ay mga programa ng DSWD at ipinag-utos aniya ni Pangulong Marcos Jr., na matiyak na nasusubaybayan ang pangangailangan ng mga biktima ng Bagyong Kristine.
Una rito, binisita ni Sec. Gatchalian ang ilang evacuation centers sa Naga City kabilang na ang JMR Coliseum kahapon, October 25, 2024.| ulat ni Vanessa Nieva-Paz| RP1 Naga