Nagbigay na ng pabuya ang Lokal na Pamahalaan ng Sibuco sa Zamboanga Del Norte para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa dinukot na American national na si Elliot Onil Eastman noong October 17, 2024.
Batay sa abiso na inilabas ng Sibuco LGU, nasa P50,000 na pabuya ang ibibigay para sa makapagtuturo ng lokasyon o kinaroroonan ng bangka na may pangalang Jungkong na ginamit sa pagdukot sa U.S citizen.
Habang nasa P100,000 na pabuya naman para sa makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Eastman.
Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa mga indibidwal na may kaalaman sa insidente na lumantad na at makipag-ugnayan sa kanila at tiniyak nito na ang lahat ng impormasyong ibibigay ay magiging kumpidensyal at protektado ang sinumang tutulong sa imbestigasyon.
Samantala, tiniyak naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang patuloy na pagtulong sa Philippine National Police (PNP) upang mahanap ang nawawalang American national.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Padilla, na patuloy ang kanilang operasyon para masugpo problema sa mga local terorrorist sa Mindanao.| ulat ni Diane Lear