Sinalakay ng mga tauhan at opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang vape shop sa Lilac Street corner Panorama Street sa Conception Dos, Marikina.
Pinanagunahan ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang inspeksyon sa Sum Vape shop kasama ang mga tauhan ng Marikina PNP.
Sa pag-inspeksyon ng BIR, napag-alaman na walang Internal Revenue Tax Stamp ang ilang vape products at ito ay patunay na hindi nagbabayad ng excise tax.
Ayon kay Commissioner Lumagui, wala rin naipresentang mga dokumento ang mga nagtitinda sa vape shop.
Bukod dito, natuklasan din na nasa 10 brands ng vape products ang walang tax stamp at isang brand lang ang mayroong tax stamp.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang dalawang naabutang nagtitinda sa vape shop.
Tiniyak naman ni Lumagui na patuloy silang mag-iikot sa mga vape shop sa buong bansa upang matugis ang mga nagbebenta ng walang tax stamp.
Aniya, maituturing ang ganitong mga vape shop na “enabler ng mga smuggler.” | ulat ni Diane Lear