Walang hangin at ulan, ngunit madilim ang kalangitan sa Lucena City as of 6:30 ngayong umaga.
Ngunit sa kabila nito, nagpaalala ang Pamahalaang Panlalawigan na hindi dapat magpakampante ang Quezonians.
Nagbabala si Governor Helen Tan at si PDRRM Officer Dr. Melchor Avenilla, Jr. na posibleng makaranas ng 2.1 hanggang 3 meters na storm surge ang mga bayan sa lalawigan ng Quezon na dala ng Super Typhoon Pepito.
Sa live monitoring and response kagabi, kabilang sa pinaghahanda ang mga bayan ng Infanta, Agdangan, Buenavista, Burdeos, Catanauan, General Luna, General Nakar, Guinayangan, Jomalig at pati na rin ang Lungsod ng Lucena.
Binigyang-diin pa ni Dr. Avenilla na kahit hindi direktang maglandfall ang Bagyong Pepito sa Quezon, mararanasan pa rin ang hagupit nito dahil sa lawak ng diametro nito at lakas na 195kph sustained winds at pagbugso na 240kph.
Samantala dito Sa Lungsod ng Lucena, alas nuebe ng gabi kagabi ay pinairal na ang forced evacuation partikular para sa mga residente ng mga coastal barangay- ang Barra, Ransohan, Dalahican at Talao-talao.
Una nang naglabas ng babala ang Pag asa na isa ang Quezon sa posibleng dumanas ng 3 metrong storm surge dulot ng Super Typhoon Pepito.
Magdamag namang nakaantabay ang mga kawani ng Quezon PDRRMO para anumang agarang responde.| ulat ni Carmi Islas| RP1 Naga