Patuloy na nagbabawas ng tubig ang tatlong malalaking dam sa Luzon kasunod ng ulang ibinagsak ng Bagyong Pepito.
Kabilang sa mga dam na nagpapakawala pa rin ng tubig ay ang Ambuklao Dam at Binga Dam sa Benguet pati na ang Magat dam sa Isabela.
Sa 8am update ng PAGASA Hydromet, dalawang gate pa rin ang nakabukas sa Ambuklao dam habang tatlong gate naman ang nakabukas Binga dam dahil sa malapit pa rin ang kasalukuyang antas nito sa high water level ng dam.
Isinara naman na ang isang radial gate ng Magat Dam kaya dalawa na lamang ang bahagyang nakabukas, na may kabuuang taas na tatlong metro.
Bumaba na rin sa 190.24 meters ang water elevation noto mula sa 191 meters kahapon.
Sa kabila nito, mahigpit pa ring pinaaalalahanan ang mga residente pagtawid at pananatili sa paligid ng Cagayan River, lalo na sa mga mabababang lugar na madaling maapektuhan ng baha. | ulat ni Merry Ann Bastasa