Mahigpit na tinututukan ng Philippine National Police (PNP) ang mga rehiyon ng Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, at Bicol dahil sa dahil sa pananalasa ng bagyong Ofel gayundin sa banta ng bagyong Pepito.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, mula pa kahapon ay puspusan na ang ginagawang pre-emptive evacuation sa mga coastal community gayundin sa mga lugar na lantad sa landslide at flashflood.
Sa katunayan, sinabi ni Fajardo na halos 5,000 pulis ang nakakalat na sa mga nabanggit na rehiyon, bukod pa sa humigit kumulang 3,500 na naka-antabay para sa emergency deployment.
Batay sa datos ng PNP, nasa mahigit 8,000 pamilya (8,890) o katumbas ng mahigit 30,000 indibidwal (30,089) ang inilikas na sa Cagayan Valley at karatig na mga lugar.
Inatasan na rin ang tropa ng Pulisya sa hilagang Luzon na patuloy na magbantay sa kanilang nasasakupan at makipag-ugnayan agad sa mga lokal na awtoridad para sa kagyat na pagtugon sa kalamidad. | ulat ni Jaymark Dagala