Nanawagan si Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan para sa pagkakasa ng investigation in aid of legislation kaugnay sa kuwestyonableng pagtaas sa bilang ng botante sa ilang lugar sa bansa.
Sa isang privilege speech, tinukoy ni Suan na nakapagtala ang COMELEC ng influx ng mga bagong botante sa ilang barangay, munisipalidad, lungsod at probinsya sa bansa.
Halimbawa aniya nito ang Batangas, Makati, Nueva Ecija, at Cagayan de Oro.
Katunayan, may naitala pa nga aniya ang poll body na 55% increase sa bagong botante sa isang barangay, bagay na lubhang nakakaalarma.
Punto ng mambabatas normal lang na tumaas ang bilang ng bagong botante kung may migration ng tao dahil sa mataas na economic activity at kung may malaking bilang ng kabataan na nasa wastong edad na para ituring na adult.
Ngunit ang mga bagay na ito ay wala sa mga lugar kung saan may kwestunableng pagtaas sa bilang ng bagong botante.
Kaya naman hindi na aniya siya magtataka kung ang mga ito ay mga flying voters.
Lalo at natuklasan na may mga nakakalusot na magparehistro, kahit hindi naman talaga sila naninirahan sa isang lugar dahil sa paglalabas ng residence certificates ng mga barangay.
Kaya mahalaga aniya na masiyasat ito para mapanatili ang integridad ng nalalapit na halalan.
Maliban dito, nais niyang matukoy kung sinumang mga nasa likod ng ganitong kalakaran at ayusin ang mga butas sa batas upang hindi na magamit pa sa pandaraya.| ulat ni Kathleen Forbes