Bukod sa insidente ng Storm Surge dulot ng Super Typhoon Pepito, binabantayan din umano ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Caramoan, Camarines Sur ang insidente ng landslide.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Naga kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Caramoan Head of Office Christian Aris Guevarra, sinabi nito na bukod sa Storm Surge, isa ang landslide sa kanilang binabantayan lalo pa at marami aniya silang mga mountainous barangay at mga identified landslide prone areas.
Tiniyak naman ni Guevarra na nakahanda ang kanilang mga assets at nakahanda rin silang rumesponde kasama ang mga katuwang na line agencies sa posibleng maging epekto ng Super Typhoon Pepito sa bayan ng Caramoan.
Samantala, nasa 1,300 na pamilya o katumbas ito ng 4,000 na mga indibidwal ang naitalang lumikas mula sa 22 barangay sa kanilang bayan.
Inaasahan naman aniya nila na maaaring umabot sa 10,000 na indibidwal ang maitatalang evacuees sa kanilang bayan sa oras na makapagreport na ang natitirang mga barangay sa Caramoan.
Dagdag pa ni Guevarra, kapansin-pansin ang mataas na alon sa karagatan at delikado na ang anumang mga sea activities kung kaya isa ito sa kanilang mga ipinagbabawal na gawin.| ulat ni Vanessa Nieva-Paz| RP1 Naga