Binalaan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang publiko hinggil sa kumakalat ngayong bagong short message service (SMS) o text scam na nagpapahintulot sa mga fraudulent messages na makapasok sa mga lehitimong message threads.
Ayon sa CICC, ito ang nagpapahirap sa mga account holders para matukoy kung lehitimo ba ang naturang text o hindi.
Paliwanag ni CICC Executive Director Alex Ramos, ang isang fraudulent message ay kadalasang naglalaman ng links patungo sa mga pekeng websites kung saan kinakailangan ilagay ang mga personal na impormasyon ng isang tao at direkta itong makukuha ng mga scammer.
Dagdag pa ni Ramos, nakakatanggap na ang opisina niya ng mga katulad na sumbong patungkol sa mga text scams na mula sa mga financial wallets gaya ng G-Cash at Maya.
Dahil dito ay nanawagan din si Ramos sa publiko na maging mapanuri at huwag basta mag click ng link galing sa mga text messages.
Dapat din aniyang maging suspetyoso sa tuwing nakakatanggap ng text na may link. | ulat ni Lorenz Tanjoco