Walang nakita ang PNP na kasabwat si Dismissed Mayor Alice Guo na pulis o pulitiko nang lumabas ito ng Pilipinas noong Hunyo, base sa ginawang imbestigasyon ng PNP sa insidente.
Sa plenary deliberation ng panukalang 2025 ng DILG at PNP, nanghingi kasi ng update si Senadora Risa Hontiveros tungkol sa imbestigassyon ng PNP sa haka-hakang posibleng may tumulong kay Guo na makatakas.
“Nagkaroon po ng imbestigasyon at ang resulta ay wala talagang natukoy na involved na miyembro ng Philippine National Police,”… “Base rin po sa imbestigasyon kay Alice Guo sa custodial investigation, wala rin pong natukoy na involved na pulitiko, your honor.”
Samantala, hanggang ngayon ay wala pa ring impormasyon ang Bureau of Immigration tungkol sa eroplanong sinakyan ni Guo palabas ng Pilipinas at patungong Malaysia noong mga panahong iyon.
Sa naging plenary deliberation naman ng panukalang pondo ng DOJ, kung saan attached agency ang Bureau of Immigration, sinabi ni Senadora Grace Poe na ang nakumpirma pa lang ay pumasok si Guo sa Malaysia sa pamamagitan ng pagdaan sa Kuala Lumpur International Airport.
Si Poe ang nagdepensa sa budget ng DOJ at BI. Ayon sa senadora, kasalukuyan pang dumadaan pa sa mga official channel ang mga otoridad ng Pilipinas para maberipika ang eroplanong sinakyan ni Guo.
Nakikipagtulungan na rin aniya sila sa Kuala Lumpur para makuha ang impormasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion