Sa gitna ng pagbibigay tulong sa mga apektado ng bagyong Marce, nananatiling nakahanda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para tumugon sa mga lugar na inaasahang maapektuhan ng bagyong Nika.
Ayon sa DSWD, noong weekend pa lang ay nagsimula na sa initial relief efforts ang ahensya kabilang ang pamamahagi ng pagkain sa mga pasaherong na-stranded sa Tabaco Port.
Nakaalerto na rin aniya ang lahat ng mga Field Office ng kagawaran para magbigay ng agarang relief augmentation sa mga LGU na daraanan ng bagyong Nika, kabilang ang mga lugar na una nang hinagupit ng sunod-sunod na bagyo na kamakailan lamang.
Bukod dito, tiniyak ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na patuloy na pinabibilis ng kagawaran ang produksyon ng family food packs at iba pang relief supplies, upang masuportahan ang recovery efforts sa Bicol Region, gayundin para makatulong sa posibleng epekto na hatid ng bagyong Nika sa Northern Luzon.
Patuloy rin aniya silang kumukuha ng suplay mula sa mga regional warehouse upang agad na makapagpadala ng relief resources sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera Administrative Region (CAR) sa lalong madaling panahon. | ulat ni Merry Ann Bastasa