Sumampa na sa ₱70.78-million ang halaga ng humanitarian assistance na naipaabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa hindi tumitigil na relief operations nito sa mga rehiyong rehiyong nakaranas ng malalakas na pag-ulan at bahang dulot ng magkakasunod na Bagyong Nika, Ofel, at Pepito.
Ayon sa DSWD, naipaabot ang tulong sa mga apektadong barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Eastern Visayas, at CAR.
Mayroon na ring higit sa 200,000 family food packs ang naipamahagi sa mga residente lalo na ang mga inilikas sa evacuation centers.
As of 6am, umakyat pa sa higit 634,476 pamilya o 2.3 milyong indibidwal ang naapektuhan ng kalamidad.
Mula sa bilang na ito, nasa 111,799 pamilya o nasa higit 450,000 indibidwal ang nananatili pa sa evacuation centers.
Una na ring tiniyak ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na sapat at hindi magkukulang ang food packs para sa mga naapektuhan ng magkakasunod na bagyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa