Magtatayo pa ng karagdagang Kadiwa ng Pangulo outlets ang Department of Agriculture para magalok ng mura at dekalidad na agri-products sa publiko.
Ayon kay DA Consumer Affairs Asec. Genevieve E. Velicaria-Guevarra, karagdagan pang 71 KADIWA ng Pangulo sites ang bubuksan sa buwan ng disyembre.
Kasama rito ang mga Kadiwa site na pinangangasiwaan ng National Irrigation Administration.
Bukod sa NCR, tinatarget ang kadiwa expansion sa ilang malalaking syudad sa labas ng Metro Manila.
Sa susunod na taon, dodoblehin pa ito ng hanggang sa 300 Kadiwa ng Pangulo outlets at 1,500 outlets sa pagtatapos ng termino ni Pang. Marcos sa 2028.
May bibilhin ding karagdagang 45 trak na para naman sa pagpapalawak ng Kadiwa on Wheels.
Punto ni Asec. Guevarra, prayoridad nila ang maparami ang kadiwa outlets sa bansa bilang tugon sa direktiba ni Pang. Marcos na mailapit sa mamamayan ang access sa mas murang bilihin at matulungan na rin ang mga magsasaka at mangingisda.
Samantala, bukas, Nov. 26 aarangkada naman na ang kauna-unahang Kadiwa ng Pangulo Expo sa PICC at tatagal ito hanggang Nov. 28. | ulat ni Merry Ann Bastasa