Nagpadala ang Philippine Red Cross (PRC) ng ikalawang humanitarian caravan sa Cagayan bilang tugon sa mga pinsalang dulot ng mga bagyong Marce, Nika at Ofel.
Ayon kay PRC Chairperson Richard Gordon, kabilang sa ipinadala ang food truck, 6×6 truck, rescue boat, at emergency response team.
Nabatid na nagpadala na noong Lunes ng humanitarian caravan ang PRC sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, at Aurora.
Samantala, tiniyak ng PRC na magpapatuloy ang kanilang serbisyo sa mga apektadong lugar.
Sa tala ng PRC, mahigit 5,000 indibidwal na ang natulungan mula sa epekto ng sunod-sunod na bagyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mainit na pagkain, malinis na tubig, hygiene promotion sessions, gamot, health consultation, at child-friendly spaces. | ulat ni Diane Lear