Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na simula January hanggang November 8 ay bumaba ng 13.51% ang index crimes sa bansa.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na nasa 30,322 na insidente ng index crimes ang naitala sa nasabing panahon.
Ito ay mas mababa kumpara sa 35,057 na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Kasama sa mga krimen na bumaba ang kaso ay ang murder, homicide, physical injury, rape, theft, robbery, vehicle theft at motorcycle theft.
Bagama’t may naitalang pagtaas sa mga kaso ng carnapping ng motor vehicle at homicide.
Kaugnay nito, inihayag din ni Fajardo na bumaba rin ng 5.75% ang mga kaso ng cybercrime sa bansa sa ikatlong quarter ng taon.
Ayon kay Fajardo, ang patuloy na pagbaba ng mga insidente ay dahil sa mga polisiyang ipinapatupad ng PNP tulad ng intensified police visibility, intelligence-driven operations, community-based programs, at pakikipagtulungan sa iba pang ahensya ng pamahalaan. | ulat ni Diane Lear