Kinumpirma ng Police Regional Office 9 (PRO-9) na mayroong “direct participation” sa pagdukot sa American vlogger na si Elliot Eastman ang isa sa tatlong persons of interest (POI) na nasawi matapos maka-engkuwentro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa Zamboanga Sibugay.
Sa isang panayam, sinabi ni PRO-9 Spokesperson Police Lieutenant Colonel Helen Galvez na batay sa intelligence report, si Abdul Sahibad ay kasama sa apat na dumukot sa bahay ni Eastman.
Habang ang dalawa pang nasawing persons of interest na sina Fahad Sahibad at Morsid Ahod ay mga tumulong sa pagtakas ng mga dumukot sa Amerikano.
Ayon kay PLTCol. Galvez, may walong identified na mga suspek sa kaso ng pagdukot kay Eastman na nasampahan na ng kaso sa prosecutor’s office.
Sa bilang na ito, tatlo ang nasa kustodiya na ng PRO-9 habang ang lima ay nananatiling at large.
At mayroong pang John Does na hinahabol o ‘yung mga persons of interest.
Sa ngayon, sinabi ni Galvez na wala pa ring “proof of life” na nakikita ang PNP sa dinukot na Amerikano, pero nagpapatuloy ang kanilang hot pursuit operations sa mga lugar na posibleng dinaanan ng mga dumukot kay Eastman. | ulat ni Diane Lear