Muling nagpadala ng karagdagang relief assistance ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Catanduanes na isa sa sa mga labis na hinagupit ng Bagyong Pepito.
Kaninang madaling araw, ipinadala sa tulong ng Philippine Air Force (PAF) C-130 ang nasa 1,000 kahon ng family food packs (FFPs) at 200 water filtration kits.
Ibiniyahe ito patungong Virac, Catanduanes bilang bahagi ng patuloy na relief operations sa mga pamilyang nananatili pa rin sa mga evacuation center.
Sa pinakahuling tala ng DSWD Bicol region, aabot pa sa higit 22,000 pamilya o 75,000 indibidwal ang nananatili pa rin sa higit 600 evacuation centers sa rehiyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa