Nasabayan na ng morning rush hour ang mabigat na daloy ng trapiko sa Marcos Highway, Brgy. San Roque sa Marikina City.
Ito’y kahit naalis na ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kotseng bumangga sa mga concrete barrier, pasado alas-6 ng umaga.
Ayon sa mga tauhan ng MMDA, pasado alas-4 ng madaling araw nangyari ang aksidente kung saan, hindi napansin ng driver ng kotse na papauwi sa Antipolo City mula sa Quezon City ang mga concrete barrier dahil sa malabong paningin.
Sa lakas ng pagkakasalpok ng kotse, nagmistulang nilamukos na lata ang harapang bahagi nito habang tumumba at nagkabitak – bitak naman ang dalawang nabanggang concrete barrier.
Dinala na sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang driver ng bumanggang kotse matapos dumaing ng pananakit ng ulo at katawan dahil sa lakas ng pagkakasalpok. | ulat ni Jaymark Dagala