Inatasan ni Pangulong Ferdinad R. Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highway (DPWH) na gawing prayoridad at bilisan ang rehabilitasyon ng Bambang Bypass Road sa Nueva Vizcaya, na isa sa mga napinsala sa pagdaan ng Super Typhoon Pepito sa Pilipinas.
Ngayong araw (November 22), ininspeksyon ng Pangulo ang pinsalang tinamo ng bypass road.
Inatasan ng Pangulo si DPWH Secretary Manuel Bonoan, na personal na i-assess ang sitwasyon sa lugar.
“Nakita na po namin ‘yung mga ibang damage doon sa mga flood control at siya po ang gumagawa ngayon ng plano para paayos natin para patibayin pa natin ng – kung mayroon man may sumunod pa na bagyo ay hindi na masisira ulit,” —Pangulong Marcos.
Sa kabuuan, nasa 77 road sections at 32 tulay sa Nueva Vizcaya ang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.
Nasa higit P52 million na financial assistance at 1,000 kahon ng family food packs ang ipinamahagi ng Pangulo, para sa mga pamilyang sinalanta ng mga bagyong Nika, Ofel, at Pepito. | ulat ni Racquel Bayan