Binigyang tulong ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang nasa 4,781 o halos 5,000 mga Pulis na naapektuhan din ng sunud-sunod na mga bagyo sa bansa.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Rommel Franciso Marbil, layon nitong tulungan ang mga Pulis gayundin ang kanilang mga pamilya sa pagbangon mula sa kalamidad sa kabila ng pagganap ng mga ito sa kanilang tungkulin para sa bayan.
Paliwanag nito, pagkilala lamang ito sa kanilang pagsasakripisyo at hirap na dinanas habang ginagampanan ang kanilang tungkulin na sagipin ang mga kababayang sinalanta ng kalamidad kahit sila mismo ay nabiktima rin.
Batay sa datos ng PNP Engineering Response Team, nasa 774 na bahay ng mga Pulis ang napinsala ng mga bagyo at kailangang kumpunihin.
Partikular ito sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Bicol, Eastern Visayas at Cordillera.
Binigyang diin pa ng PNP Chief, prayoridad niya ang rehabilitation program para sa mga Pulis na nawalan din ng tahanan sa kasagsagan ng kalamidad kaya’t puspusan na ang muling pagtatayo nito. | ulat ni Jaymark Dagala