Iginagalang ng Philippine National Police (PNP) ang pasya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na magpasailalim sa pag-uusig ng International Criminal Court (ICC).
Ito’y kaugnay ng kinahaharap na “crimes against humanity” ni Duterte dahil sa madugong war on drugs ng kanyang administrasyon.
Gayunman, ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, handa naman silang tumulong sa International Police (INTERPOL) sa sandaling magpalabas ito ng Red Notice laban sa dating Pangulo.
Paliwanag ni Fajardo, may umiiral namang mekanismo sa pakikipag-ugnayan ng PNP at INTERPOL hinggil sa pag-aresto sa mga indibidwal na kailangang papanagutin sa batas.
Ito rin ang ginamit ng Pilipinas nang humingi ito ng tulong sa ibang bansa para arestuhin sina dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Indonesia gayundin kay dating Representative Arnulfo Teves sa Timor Leste.
Ganito rin naman ang ginagamit ng ibang bansa kung may tinutugis silang personalidad na nasa bansa.
Pero nilinaw ni Fajardo na hindi “special” ang kaso ni dating Pangulong Duterte at bahagi lamang ito ng ordinaryong ugnayan sa mga bansang kasapi ng INTERPOL. | ulat ni Jaymark Dagala