Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na isinailalim sa administrative relief sina National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief Police Major General Sidney Hernia at PNP-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) Chief Major Gen. Ronnie Francis Cariaga.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, na pansamantalang isinailalim sa 10 araw na administrative relief ang dalawang senior officials ng PNP dahil sa isinagawang pagsalakay sa Century Peak Tower sa Malate, Manila.
Ayon kay PBGen Fajardo, ito ay upang magbigay-daan sa isinasagawang imbestigasyon ng binuong komite ng PNP kaugnay sa ginawang raid.
Paliwanag niya, kapag ang PNP personnel ay sumasailalim sa imbestigasyon may dalawang option na available sa mga commander isa ang pagsasailalim sa restrictive custody at administrative relief.
Sa ngayon, pansamantalang itinalaga bilang OIC si PBGen Reynaldo Tamondong na Deputy Regional Director for Administration ng NCRPO habang OIC naman si Deputy Director for Operations si PCol Vina H. Guzman ng PNP-ACG.
Matatandaang nagkasa ng operasyon ang NCRPO at PNP-ACG sa ika-23 palapag ng Century Peak Tower noong October 29, na binansagang “mother of all scam hub” kung saan pinakialaman ng tatlong tauhan ng ACG ang CCTV camera sa panahon ng pagsalakay.
Sa kabila nito ay nanindigan ang PNP, na lehitimo ang naturang operasyon ng PNP-ACG at NCRPO sa isinagawang pagsalakay sa nasabaing scam hub. | ulat ni Diane Lear