Kinumpirma ni United States Defense Sec. Lloyd Austin III na mayroong mga Sundalong Amerikano na nakapuwesto sa tinawag niyang US Task Force Ayungin.
Sa kaniyang mensahe matapos bumisita sa Palawan, sinabi ni Sec. Austin na nakipagkita siya sa American servicemen na nakadeploy sa naturang unit.
Pinasalamatan niya ang mga ito dahil sa kanilang masigasig na pagganap sa tungkulin para sa kanilang bansa gayundin para sa matatag na alyansa sa rehiyon.
Gayunman, hindi nilinaw ni Austin kung anong partikular na gampanin ng mga Sundalong Amerikano sa AFP Western Command.
Una rito, dumalaw ang Kalihim sa Command and Control Fusion Center sa Palawan kasama si Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr.
Magugunitang nag-alok ang Amerika na tumulong sa Rotation and Re-Supply (RoRe) mission sa nakasadsad na BRP Sierra Madre sa gitna na rin ng agresibong hakbang ng China sa West Philippine Sea.
Gayunman, una na ring sinabi ni AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr na nais munang subukan ng Pilipinas na gawin ang mga operasyon sa sariling kapasidad. | ulat ni Jaymark Dagala