Naglalaro sa ₱10 hanggang ₱70 ang itinaas sa kada kilo ng gulay sa Agora Public Market sa San Juan City sa loob lamang ng isang linggo.
Partikular sa mga nagtaas ng malaki ang presyo ay ang Talong, Ampalaya, at Kamatis na pumapalo na ngayon sa ₱200 ang kada kilo.
Kaya naman ang mga namimili, nahihirapan nang bumili ng gulay na anila’y panabla sana sa mga karne ng baboy at manok.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, ilan sa mga namimili ang nagsabing nagbabawas na sila ng pinamimili dahil kulang ang kanilang budget.
Nagkakasya na lamang anila sila sa kung ano ang mura at saka dinidiskartehan na lamang ang luto upang kahit paano’y maging disente pa rin ang kanilang i-uulam.
Nabatid na batay sa datos ng Department of Agriculture (DA), aabot sa ₱10 bilyon ang naitalang kabuuang halaga ng pinsala sa sektor dahil sa magkakasunod na bagyo.
Kaya naman bilang solusyon, pinag-aaralan ng DA na mag-angkat ng gulay mula sa Mindanao partikular na sa Bukidnon para maipantapat sa mga highland vegetable ng Cordillera na matinding naapektuhan ng kalamidad. | ulat ni Jaymark Dagala